Total Pageviews

Friday, December 23, 2011

SIMBANG GABI DAY VIII: Ang sanggol na si Juan bilang biyaya at pagpapala

JUAN. Mapagpala ang Diyos.

Sa anong paraan mo masasabing kumikilos sayo ang Diyos at pinagpapala ka niya?
.
.
.

Kumpara sa mga nakalipas na ilang umaga, maalinsangan ang panahon na sumalubong sa akin patungong simbahan, kaya naman maputik ang daan, at basa ang kalsada, may kaunting ambon din. Ngunit hindi yun pumigil sa akin upang muling gumising at magsimba at kumpletuhin ang nakatakdang 9 na umaga ng sakripisyo. Yan ang panata ko! Lalo na't ika - 8 umaga na ng simbang gabi ngayon pa ba ako magpapapigil. Hindi syempre. Sapat nang dahilan para masabi ko na hindi nagpapabaya ang diyos dahil isang umaga na lang kumpleto ko na ang siyam na araw dahilan upang mas lalo akong manabik at magpursigeng sumimba sa kabila ng mga nagbabadyang hadlang gaya ng ulan. Kagaya ng mga naunang umaga, luhod, dasal, sabay sa sabayang pagrorosaryo at muling nagnilay sa panibagong mensahe ng diyos sa akin ng umagang yaon. Naghanap muli ang aking mga mata ng bago, na maaaring isang simbulo ng mensahe ng diyos, ngunit wala ni isa, ganun pa din kumbaga normal ang lahat walang kakaiba (note: hindi po ako paranormal expert at mas lalong hindi ako espiritista, hindi po espiritu ung tinutukoy ko kundi ung mga bagay na maaari kong maiugnay sa bagong aral na nais ng diyos na ipabatid sa akin). Muli akong nag-intay hanggang sa nagsimula na ang misa. 

Matamang sumentro ang pagbasa at ebanghelyo (ayun naalala ko na ang tagalog o layman's term ng gospel) sa pagiging magulang nila Elizabeth at Zakariah sa kabila ng kanilang katandaan at sa bagong sanggol na si Juan - na nakatakdang maging lingkod ng diyos sa habang panahon . Masayang masaya na sinalubong ng mag-asawa ang kanilang anak na si juan, batid nila na ito na ang katuparan ng kanilang pangarap na magkaanak, ngunit sa kabila noon ay batid din ng mag-asawa ang mas malalim na dahilan ng diyos patungkol kay juan at ang mga responsibilidad na nakaatas sa kanilang anak, na hindi naman nila kinundena bagkus ay ipinagpasalamat pa sa diyos.

Sila Zakarias, elizabeth at Juan ay simbulo ng isang pamilya, hindi lamang basta pamilya kundi pinagpalang pamilya. Ngunit tulad ng ating henerasyon ngayon - ang pamilya, bago natamasa ng kanilang pamilya ng tunay na pagpapala ng diyos ay dumaan muna sila sa maraming pagsubok, patunay lamang na hindi ligtas ang sinuman ang danasin ang hirap at pagsubok pero sa kahulihulihan natanggap pa rin nila ang natatanging kagalakan at biyaya dulot ng pagpapala ng diyos. Tayo mga kapatid kailan natin masasabing tayo'y pinagpapala ng diyos? kapag ba marami tayong pera? o di kaya ay kapag lagi tayong SINUSUWERTE? ganoon ba natin sukatin ang pagpapala? Tunay ngang makatarungan ang diyos, kagaya ng kung paano niya parusahan ang mga makasalanan ay gayundin siya magpatawad sa mga nagsisisi, sa kabilang banda kung gaano man kahirap ang ating nararanasan ngayon, bukas makalawa ay kakamtin naman natin ang isang buhay na masaya at puno ng kaligayan bilang kapalit ng ating pighati't hirap. 

Naaalala ko yung isa sa mga kaibigan ko, sa murang edad ay nabuntis siya, at hindi niya ito inaasahan bilang bata pa siya at hindi pa din siya handa maging ina, pero sa kabila nito nagpakatatag siya, ngunit isang araw ng sabihin niya ito sa ama ng bata ay ikinagulat nito ng labis ang hatid niyang balita, hindi naman iyon problema sa kanya, pero ang masakit imbes na suportahan siya ay hinusgahan pa siya sa isang bagay na hindi niya kailanman ginawa, sabi pa niya sa akin nagmahal lang siya at ito lang ang tanging bagay na ginawa niya wala ng iba, pero dahil sa sakit na pagbintangan at halos walang suporta na natatanggap mula sa iresponsableng lalaki, malaki ang naging epekto nito sa kanya, hindi na siya makapag-aral ng maaayos, hindi na din nagiging maganda ang relasyon niya sa pamilya niya, hindi siya nakakakain, hindi makatulog, iyak ng iyak ni walang suporta mula sa mga taong akala niya ay mahal siya at hindi naglaon nagkasakit siya, sa madaling salita gumulo ang sitwasyon at gumulo ang takbo ng buhay niya at sa huli naospital siya at huli na ng malaman niya na wala na pala ang batang nasa sinapupunan niya, labis ang hinagpis niya ng sandaling iyon at habang ikinukwento niya sa akin yun ay siya ding pagpatak ng kanyang mga luha, at agad akong napaisip. Unang una inosente ang bata, pangalawa hindi niya ginusto ang lahat at panghuli biyaya siya galing sa Diyos, nakalulungkot lamang isipin na sa kabila ng kagandahang loob ng diyos sa atin minsan tayo pa ng tumatanggi sa kabutihan niya sa tin, tapos magtatanong tayo, bakit? 

Halos lahat ng magulang nagsasabing masarap daw maging tatay o nanay, sa kabila ng responsibilidad ang pinakamasayang aspeto daw ng pagiging magulang ay ang kanilang anak. Sabi pa nila walang magulang na naghangad ng masama sa anak, pero napaisip ako bakit may mga magulang na nais ipalaglag ang kanilang anak? bakit may mga magulang na walang pakialam sa mga anak? bakit may mga magulang na tila ba sumpa ang tingin sa kanilang supling? Siguro sa iba't ibang aspeto, silang hindi matanggap ang kanilang anak ang kanilang kapalaran bilang magulang ay may kani kaniyang malalim na kadahilanan, ngunit sa kabilang banda sa tingin ko hindi ito sapat na dahilan upang maging KRIMINAL ka ng sarili mong dugo't laman, diba? Sa batas ng lupa at lalo't higit sa batas ng langit isang kasumpa sumpang kasalanan ang pumatay, lalo't higit ng mga anghel ng diyos na piniling ipagdalang tao sila ng kanilang mga ina at maging anak ng kanilang mga magulang, ngunit sa minsan sa ating kasakiman at pagiging makasarili hindi natin naiisip ang kagandahang loob ng diyos sa atin, silang mga nagbabalak magpalaglag ng sanggol o silang nakapagpalaglag na, hindi mo ba naisip? maraming mag-asawa ang walang ibang dalangin kundi ang sila'y magkasupling, pero tignan mo ikaw, heto ka't bumibili ng pampalaglag, heto ka't halos butasin ang sariling tiyan mawala lamang ang tanda ng kapusukan. Sabi ng iba, sila ay biktima, biktima ng kapusukan, pero para sa akin hindi sila biktima, sila ay bukod tanging pinagpala, dahil sa biyaya ng pagiging isang magulang na pilit nilang tinatakasan sa iba't ibang kadahilanan at kaparaanan. Nakalulungkot lamang isipin, na sa kabila ng kabuthan ng diyos sa atin di natin ito mapahalagahan at hindi natin ito maingatan dahil na rin sa sarili nating mga kakulangan, ngunit sana wag nating laging gawing sandigan  ang ating mga kahinaan, dahil baka dumating ang araw na lahat ng ating dahilan ukol sa kahinaan ay maubos na at di na natin ito maidahilan. 

Sabi ng marami, ang pinakamasayang aspeto daw ng pagiging babae ay ang pagiging INA. Siguro nga, dahil si Elizabeth ng makita ang anak na si juan ay halos walang mapagsidlan ng tuwa. Para sa kaibigan ko siguro naman hindi pa huli ang lahat, habang nagmamahal ka at nagtitiwala ka sa diyos hindi magmamaliw ang pag-ibig niya sayo. At sigurado ako sa oras na hingin mo sa kanya sa takdang panahon na ikaw ay maging isang INA ibibigay niya iyon sayo.

Para sa mga kabataan nawa'y wag pairalin ang kapusukan, wag gamitin ang kakunting kaalaman at karanasan dahilan upang magkasala. Hindi masama ang magmahal sana lang matuto tayong mag-intay bilang ang lhat ng bagay ay may tamang panahon at oras, dahil kung hindi, tayo rin ang aani ng sarili nating dumi sa bandang huli.  

Ang bawat sanggol ay biyaya, sa anu pa mang paraan at kadahilanan, sila'y dapat mabuhay at karapatan nila ito. Diyos lamang ang makakapagsabi kung kailan ka dapat mabuhay at kung kailan ka dapat humimlay, hayaan nating masilayan ng mga mumunting anghel na ito ang paraiso, ang mundong hindi man perpekto pero ginawa ng diyos na tahanan ng tao, tahanang magulo pero punong puno ng makabuluhang bagay na huhubog sa atin bilang tao upang lumago. Ngayong kapaskuhan kasabay ng pagsilang ni Hesus sa sabsaban nawa'y hipuin niya ang puso ng bawat magulang na patuloy nilang mahalin ang kanilang mga anak hindi dahil responsibilidad nila ito, kundi dahil ito ang bunga at dahilan kung bakit sila naging mga magulang. Mabuksan nawa ang mga puso ng mga ina at ama na walang alam kundi saktan ang kanilang mga anak, ang mga mag-asawang nagtatangkang magpalaglag ng sanggol nawa'y mabatid nila na hindi lamang silang ang may karapatang mabuhay kundi pati ang mga batang tinawag din ng diyos upang maging isang mabuting tao sa hinaharap. 

Gaya ng pamilya nila elizabeth, zakarias at juan, sama sama tayong magalak habang nananabik sa pagsilang ng dakilang manunubos na si hesus. Maaaring maraming pagsubok sa ating buhay, tila ba wala ng dahilan ang pamilya para magsaya, pero tandaan natin maging ang angkan ni juan ay dumaan din sa mga pagsubok ngunit sa kabila nito nagpakatatag sila at kalauna'y pinagpala sila ng diyos ama. 








No comments:

Post a Comment