Sa halos 3 taon ko na pagiging consistent parishioner ng aming parokya. Iisa lang palagi ang eksena na aking nakikita at habang tumatagal nagiging normal na lamang ang mga ganoong eksena. Ito ay ang mga taong nakaluhod, magkatakip ang dalawang palad, habang hawak ang isang rosayo, nakapikit ang mga mata habang tila ba nagoorasyon sa bilis ng paggalaw ng kanilang bibig sa pananalangin.
May misa o wala nakagawian na natin ang magrosaryo o di kaya ay magnovena, lalo na yung mga nakatatanda, namana pa natin ito sa mga kastila kaalinsabay ng pamanang kristyanismo. Mrron pa nga, nakamikropono pa kapag nagrorosaryo. Paulit-ulit lang ang mga dasal, at para sa marami ito ang paraan natin upang makaugnay ang diyos sa mas malalim na paraan sa pamamagitan ng kanyang ina na si maria, na ating dinadasalan sa tuwing tayo ay magrorosaryo. Ngunit para sa akin, hindi mahalaga kung ilang libo mang inulit ang mga dasal sa rosaryo, dahil sa huliang personal intensyon at layunin ng nagrorosaryo ang mahalaga. Minsan ginagamit natin ang pagrorosaryo bilang pagdadasal at paghingi ng ating mga pangangailangan. Ngunit bukod pa rito, marami tayong paraan ng pagdarasal, paghingi ng biyaya, nang gabay at kung-ano ano pang intensyon, merong prayer intention na inilalagay sa sobre na may kalakip na salapi ano man halaga nito ay hindi mahalaga, meron namang nagpapamisa para sa personal na intensyon, at kung ano-ano pa.
Pero madalas din tayong magdasal sa pamamagitan ng bibig, ang pagbigkas ng ating mga kahilingan, dalangin at pagsusumamo (nasabi ko ito hindi dahil naririnig ko ang bawat dalangin nila kundi dahil batid ko ang pagusal nila ng bawat kahilingin gamit ang bibig). Kagaya ng sinabi ko halos 3 taon na akong nagsisimba at ito ang malimit at palagi kong naaabutan sa tuwing sisimba ako may misa man o wala. At minsan sa aking pag-upo sa gitna katahimikan, sa gitna nang kapayapaan, naitanong ko sa aking sarili, "sa dami ng nagdarasal sa diyos, hindi ba siya nabibingi? hindi ba sya nalilito? o naririnig pa ba niya ang bawat dalangin ng bawat tao?" mga tanong na alam kong walang sasagot sa akin kundi ang sarili ko ring pananampalataya. At sa patuloy na katahimikan, tila ba may bulong akong narinig sa hindi ko malamang dahilan ay agad akong natigilan, at naalala ko ang mga tanong ko sa sarili, at maya-maya pa ay parang may pumasok na kung ano sa aking isipan at naramdaman ko nalang na tila ba nasagot na ang mga tanong ko, na kanina lang ay aking tinatanong. Ang sagot na, ang diyos ay diyos at ang tao ay tao, maraming kaya ang diyos na hindi kaya ng tao. kaya ng diyos pakinggan ang ang milyon-milyong taong nanalangin na hidi kayang gawin ng tao, kaya ng diyos, magpakatao gaya ng ginawa ni hesus, ngunit di kaya ng tao na magpakaDiyos, kaya ng tao na magsinungaling at gayundin ang mangiwan ngunit di kaya ng diyos na ito'y gawin. Nangangahulugan lamang, na sa kanyang pagkadiyos, lahat ay posible walang imposible, kayat kahit ang bulong ng puso na nagsusumamo ay kaya niyang marinig, kahit ang bulong ng nagsisisi ay kayang marinig at patawarin.
Sa pagpasok ng panahon ng adbyento o ang paghahanda, mababanaag sa mga pagbasa ang pagtawag ng tunay na paghahanda. Ayon kay propeta Isaias, may kung anong tinig na tumatawag sa ilang na nagsasabing ihanda at tuwirin ninyo ang daanan, ang daanan ng darating na messias. Sa bawat pagtawag, tayo'y tumutugon, ngunit paano tayo tutugon kung hindi natin naririnig ang pagtawag? paano tayo tutugon kung hindi tayo NAKIKINIG?
Ang susi sa pagtugon ay ang masusing pakikinig. Ang epektibong pakikinig ay nagreresulta ng maayos na komunikasyon at resulta rin ng epektibong pagtugon. Sa linggong ito, hinahamon tayo ng ebanghelyo, na buksan ang ating mga puso, ipikit ang mga mata at MAKINIG mabuti. Sa maraming panahon at pagkakataon, wala tayong ginawa kundi magsalita, humingi nang humingi sa diyos, ngayong ikalawang linggo ng adbyento, nangungusap sa atin si hesus "Anak, ako naman ang iyong pakinggan", nais niyang tayo'y panandaliang makinig, makinig at patuloy makinig. Dito niya tayo uusapin at patuloy na kakausapin, sa panahong tahimik tayo at hindi aligaga sa maraming bagay, bagkus ay taimtim na nakikinig.
Maraming pagkakataon, dalangin natin ang pinakikinggan ng Diyos, hinahayaan niya lang tayong humiling, ngunit sa pagkakataong ito, siya naman ang nakikiusap na siya ay pakinggan upang hingin ang pabor para sa kanyang pagdating, ang pabor na patagin at ihanda ang kanyang daraanan.
Ang Simbolismo ng PAKIKINIG ay sandaling pagtahimik, sa mga panahong tayo ay walang panahon na tumahimik na puro na lamang salita na halos di natin marinig ang nais sabihin sa atin ng diyos, ngayon nais niya tayong makinig at makipagugnay sa kanya. Gayundin naman ang, kanyang bulong, ang bulong nang paghahanda, ang bulong ng pagsisisi at pagbabago nang sa gayon sa kanyang pagdating ay handa natin siyang tanggapin ng wala ni anumang dungis na taglay ang ating puso. At ang pagtutuwid at pagpapatag sa daanan. ang minsang IKAW na nalunag at lumiko ay nais niyang muling magsumikap ka na patagin at ituwid ang iyong pagkakamali dahil para sa diyos hindi pa huli ang pagsisisi.
No comments:
Post a Comment