Total Pageviews

Wednesday, December 21, 2011

SIMBANG GABI DAY VII: MAGBILANG, MAGPASALAMAT AT MAGBAHAGI

Hay! sa wakas nkakapitong umaga na ako, at wala pa akong absent sa simbang gabi, ang saya! 

Ikapitong umaga na ng Misa de Gallo, marahil ang ilan, nakakapitong umaga na din, marahil ang iba nakakaanim palang, lima, apat, tatlo dalawa o di kaya ay unang beses palang sumimba ngayong simbang gabi. (uhmm, makukumpleto ko ata ang 9 morning, makapaglista na nga na wishes.)

Malamig na naman ang simoy ng hanging humampas sa akin habang naglalakad ako ng umagang iyon patungong simbahan, mangilan ngilang tao ang kasabay kong naglalakad din, magbabarkada, pamilya, magkasintahan at merin ding nagsosolo. Sa parehong paraan kung paano ko sinimulan ang mga nakaraang araw na may maraming ritwal bago ako umupo sa aking paboritong kapirasong espasyo sa sulok na unahan ng simbahan, ay nagdasal muli ako, at ngayon may panibago akong aral na natutunan sa pagpapatuloy ng simbang gabi. Maya-maya ay ikukuwento ito (sana di ko makalimutan). 

"Ang puso ko'y nagpupuri sa panginoon kong tagapagligtas" , ito ang isa sa paborito kong salmo, ito kasi ang awit ni maria na may kagalakan at tono ng buong pusong pasasalamat. At dito sumentro ang pagbasa at ang "gospel" (pasensya na po nakalimutan ko tagalog ng gospel eh.hehe). Sa umagang ito ang pagninilay ay matamang bingyang halaga ang pagiging mapagpasalamat ni maria sa Diyos sa pambihirang kalooban na sa kanya ipinagkatiwala kasabay nito ang paghingi ng lakas sa diyos upang kanyang magampanan ang tungkuling nakaatas.


"Count your blessings". May bibilangin nga ba tayo? Ang sagot? MARAMI. Eh bakit pa kailangang bilangin e marami nga? simple lang, paano mo malalaman kung gaano karami kung hindi mo sisimulang bilangin? Ganyan tayo minsan tinatamad magbilang , ang alam lang nating bilangin ngayon ay PERA, araw kung kailan susuweldo, kung ilang araw nalang may pasok/trabaho, kung ilang yosi na ang naubos, at ilang basyo na ng mucho ang natungga, ilan lang yan sa madalas nating bilangin. Ang mga biyaya ng diyos sa buhay mo nagawa mo na bang bilangin? marahil magtatanong ka ulit, bakit pa bibilangin? kung pede namang magpasalamat nalang? Sa totoo lang, walang masama kung derecho na tayong magpasalamat at di na bilangin pa ang ating mga natatanggap, pero naisip mo ba na "Paano ka magbabayad kung di mo alam kung magkano ang babayaran mo? sa parehong paraan na dapat nating malaman ang bawat detalye at dami ng biyaya at pagpapala ng diyos sa buhay natin , upang mabatid natin kung paano natin siya pasasalamatan, bagaman hindi niya tayo inuubligang gawin ito, bilang tao, marapat lamang na tayo'y magpasalamat. Pero paano tayo makapagpapasalamat ng lubos sa Diyos kung sa kapwa nga natin tao di natin ito magawa? Sa dami ng kabutihan, sakripisyo nila para sa atin, naging mapagpasalamat ba tayo sa kanila?Huwag na tayong lumabas ng bahay, sa pamilya nalang natin, Kaya mo bang harap-harapang sabihin sa nanay at tatay mo " Nay! Tay! SALAMAT PO", sa paraang harap-harapan na kaya mong sabihin sa bf/gf mo na "I Love you 4 ever and ever". Sa parehong tanong na kailangan ba nating magpasalamat sa ating mga magulang gaya ng pagpapasalamat natin sa diyos? Oo. Isang attitude desposition o pagkanatural sa atin, sinong lapastangang anak ang matapos, ipagdalang tao ng kanyang ina ng siyam na buwan sa sinapupunan, bihisan ng damit ng halos sampung taon, pakainin, pag-aralin at iminulat ang magagandang bagay dito sa mundo, ang tatay mong walang ginawa kundi ispin ang iyong kinabukasan kaya naman nagkakandakuba na sa ibang bansa o di kaya kulay uling na ang balat tanda ng paghihirap sa pagtataguyod sa kanilang mga anak, sino ang hindi magpapasalamat na anak? Naalala ko yung mga sinabi sa akin ng isa kong kakilala na may edad na, hindi ko alam kung isa ba itong payo na dapat kong sundin o isang bagay na nagpaggulo lamang sa aking pananaw sa buhay, sabi kasi niya "pagkagraduate niyo, isipin niyo ang sarili niyo, huwag ang pamilya niyo, dahil tatanda kayo at kukuba ng walang ginawa kundi isipin ang magulang niyo" dagdag pa niya, hindi daw obligasyon ng anak na suklian ng anak ang mga paghihirap ng mga magulang dahil bilang magulang ito daw ang obligasyon nila sa kanilang mga anak. Napaisip ako ng mga oras na iyo, bigla akong naguluhan, pero pilit kong inaalis ang  negatibong konsepto sa sinabi niya at pilit kong hinahanap ang postibong bagay dito, pero hindi ko talaga makita, at naisip ko na lang na siguro dala ng kanyang edad, nasa late 70's na kasi siya, siguro sa haba ng panahon na iginugol niya sa pagsuporta sa mgulang niya napagod na din siya at naghihinayang sa mga panahong dapat sana'y para lang sa sarili niyang kapakanan at kaya niya siguro yun nasabi. Pero, naisip ko din, di kaya ikinulong niya lang ang sarili sa kasinungalingang nilikha ng kanyang mga karanasan? Pero ang lahat ng iyon ay konklusyon ko lamang, hindi ko talaga alam ang naglalaro sa isipan niya o kung ano ang pinaghuhugutan niya para sabihin ang mga ganoong bagay, iniwan ko nalang ang ideyang yun, at nangako sa sarili ko na hinding hindi ko ito gagawin. Nakakalungkot isipin na tayong mga anak ay nakakalimot magpasalamat sa ating mga magulang, ang ating pag-aaral na lamang, na sana'y paunang bayad natin sa kanila, minsan hulugan na nga lang di pa natapusan, yung iba naman, imbes na magpagaan ng buhay sa mga magulang, magdadagdag pa, meron kasing mga nabubuntis ng maaga, yung iba nga di pa tapos ng high school, may anak na, di naman masama ang magkaanak, o mabuntis, natural may matres ang babae at dahil babae siya, at higit sa lahat ay biyaya ang sanggol, ngunit hindi ba't lahat ng bagay ay may tamang oras? kung sa tamang pagkakataon at oras lang sana edi mas maganda, pero hindi, panibagong sakripisyo ito sa magulang, sakit sa damdamin at sa ulo. Meron pa, imbes na mag-aral, pumasok sa eskwela, dun sa Bar, comshop, billaran o kung saan pa napasok, hindi ako tutol sa kaligayahan ng mga katulad kong kabataan, kaya lang sana maisip natin ang pagpapagal ng ating mga magulang, inuulit ko hindi naman natin obligasyon ang sila'y bayaran, dahil hindi naman utang ang pagpapalaki nila sa atin, kundi bunga ito ng kanilang buong pusong pagmamahal sa atin, ang sa akin lang bilang anak, hindi man tayo required magbayad, sana isipin natin sila bilang mga magulang natin at hindi lang tagasuporta sa ating mga luho at pangangailangan, na sila ay higit pa sa tagapagpadala ng pero, o tagapagbigay luho, sila ang ating magulang na kahit sa anu pa mang pagkakataon, kahit tila naubusan na tayo ng pagmamahal mula sa ibang tao, sa kahuli-hulihan sila pa rin ang ating matatakbuhan, sila pa rin ang bukas palad na tatanggap sa atin sa kabila ng kadustaan natin. 

Kagaya ng Diyos, napakarami ng biyayang ibinigay niya sa atin, siguro pinakadakila sa lahat na dapat nating ipagpasalamat ay ang ating BUHAY, ang buhay na dahilan, kung bakit tayo nagmamahal, bakit tayo tumatanggap, bakit tayo nananamasa ng pagpapala, at nawa'y gamitin din natin ito para magpasalamat. Paggising natin sa umaga, kaya ba nating magpasalamat man lamang kahit ilang minuto sa diyos dahil may panibago na naman tayong dahilan para mabuhay? o dederecho na tayo kaagad sa harap ng computer? bago kumain kaya ba nating magdasal saglit o kahit mag sign of the cross man lang - tanda ng pagpapasalamat sa ating hapag? bago matulog, kaya ba nating pigilin saglit ang ating antok para makapagdasal man lamang, magpasalamat sa buong maghapon na ginawa niya tayong ligtas at pinuno ng biyaya? Huwag nating gawing parang bumbay ang diyos na kailangan pa tayong singilin, na sa katunayan ay hindi naman kailangan, ito ay para lang sa atin, para pahalagahan natin ang biyaya niya sa atin, tulad maria hindi man tayo umawit ng papuri, sana kahit ang isa o dalawa sa biyaya niya sa atin ay ating magamit pabalik sa kanya tanda ng pagpapasalamat. 

Pero hindi lahat tao marunong magbilang at magpasalamat sa diyos. Kagaya na lamang ng madalas kong mabasa sa FB, na nagsasabi ayaw daw nila mapabilang sa SMP o samahan ng malalamig ang pasko, meron pa andaming umaaray sa taas ng presyo ng mga bilihin, partikular ang hamon, madami tuloy nalulungkot kasi wala silang hamon sa hapag kainan sa darating na pasko, pero naisip ko mahalaga ba talaga ito? Tandaan natin, wala mang kung sino ang itinuturing nating magpapainit ng ating pasko, o wala man ang star ng noche buena, isipin natin, higit pa rin tayong pinagpala, isipin mo ang mga taong kasalukuyang walang bahay at nawalan ng buhay, mga bata man o matanda na sa isang saglit ay nagresign sa buhay. Ang taong nasalanta ng bagyong sendong na ang mga namatay ay kalunos-lunos ang sinapit, namatay na nga, nawawala pa ang labi, may mga namatayan ng halos buong angkan, silang tila ba karimlan ang kinalalagyan at silang walang hiling kundi ang muling makabangon at dalangin na nawa'y muling sumikat ang araw sa kanilang buhay. Huwag nating sayangin ang bawat umaga na ibinibigay niya sa atin, magbilang tayo kahit marami magpasalamat tayo kahit kakaunti, dahil lingid sa ating kaalaman, may mga taong mas higit na lugmok at kailangan ng mga bagay na meron ka na pero hindi mo pinapahalagahan, huwag mong intayin na isang araw, parang baha, ay malimas ito sayo at wala kang magawa kundi alalahanin ang mga panahong ika'y sagana. 

Paano magpapasalamat sa diyos? Sa parehong paraang nagsasaing tayo hindi para sa ating sarili kundi para sa iba. Magpasalamat sa paraan ng pagbabahagi. Kailangan ba ng pera? hindi sa lahat ng pagkakataon, ang pera ay maliit na piraso lamang ng pagtulong, isang bagay lamang ito sa napakarami mong bagay na pwedeng gawin tanda ng pagtulong. Kagaya ni Maria, ng dalawin niya si elizabeth ay ibinahagi niya rin ang kanyang pagpapala, tanda ng pagbabahagi ng biyaya ng diyos sa ibang tao. Sa paanong paraan tayo makakapagpasalamat sa diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi. Sa mga ordinaryong pagkakataon, kagaya nalang sa dyip, ang mga taong nag-aabot ng bayad sayo, magiliw mo silang pagmalasakitan, o di kaya sa simpleng paraan pasalamatan mo si manong drayber, si aleng tindera, o di kaya ang namamalimos, ay iyong bigyang limos, ilan lamang yan sa mga mumunting paraan ng pagbabahagi, dahil habang tayo'ng nakikinabang at tumatanggap dapat tayong magbigay, dahil sa pamimigitan nito mararamdaman natin ang ating pagpapala - na siya namang ating ibinabahagi sa iba. (masyado ng mahaba at marami akong naikwento, puputulin ko na muna dito) 

Bilang panghuli, sa kahit anu pa mang paraan matuto tayong magbilang ng ating mga pagpapala, nang sa gayun ay alam natin kung paano tayo magpapasalamat habang nagbabahagi ng ating sarili sa iba. 

Ngayong kapaskuhan, mas lalo nawa nating pag-ibayuhin ang ating pagpapasalamat habang nagbibigay. 

Tandaan: SMP ka man o hindi man hamon man kayo sa hapag o wala, malamig man ang iyong pasko tuyo man ang handa mo, sa pagsilang ni hesus sa araw ng pasko, siya pa rin ang magpapainit sa buhay mo, kagaya ng palagi niyang ginagawa sa buhay mo, at siya pa rin ang magiging STAR NG PASKO NATIN, ano man ang mangyari. 

patuloy po nating ipagdasal ang mga nasalanta ng bagyo.

No comments:

Post a Comment