Maalinsangan na may pag-ulan ang sumalubong sa akin sa ika'tlong umaga ng Misa de Gallo, marahil hatid narin ito ng Bagyong si Sendong na nanalasa sa kabisayaan at ibang parte ng mindanao.
Kagaya ng mga naunang umaga, ginising muli ako ng malakas na tunog ng aking orasan, hudyat na upang muli akong bumangon at simulan ang aking umaga sa pamamagitan ng pagsamba. Hindi ko alam kung bakit, pero tila ba walang antok o kahit ano pa man ang pumigil sa akin ng umagang iyon na kadalasan aking nararamdaman, sapat nang dahilan iyon upang muli akong dalhin ng aking mga paa sa dapat kong paroonan ang simbahan. Muli akong umupo sa dako kung saan ako kumportable sa gawing kanan, lumuhod at nagdasal, matapos ito ay sumabay ako sa sabayang pagrorosaryo, nang matapos ito agad akong umupo at luminga-linga hanggang magawi ang aking paningin sa kanang bahagi ng altar, naroon na pala ang Belen - Ang imahen ng birheng maria at ni San jose ay naroon na, na kahapon ay wala pa. Gaya ng aking inaasahan, sa parehong paraan, muling mangungusap ang espiritu santo upang muli sa aking pag-uwi ay baon ko ang isang bago at makabuluhang aral na aking tataglayin magpakailan pa man, aral na aking gugunitain at isasabuhay. At hindi nga ako nagkamali, Sa Belen, naroon - ANG BIRHENG MARIA.
Ang Birheng Maria.
Hindi natin madalas mapansin ang papel na ginagampanan ng Birheng Maria sa ating pananampalataya, maliban sa dinarasal nating Santo Rosario, na ating pinaniniwalaan na sa pamamagitan niya tayo ay nakikipag-ugnay kay kristo, maliban doon ay tago na ang ilang detalye patungkol sa kanya o di kaya ay hindi na natin madalas ito mapansin, bagama't ito'y mahalaga sa atin.
Kahit ako aaminin ko na sa aking mga dasal napakabihira na aking mabigyang pansin ang birheng maria, siguro dahil nasanay tayo na direktang magdasal deretso sa pangalan ni hesus, ngunit nakalimutan natin na si Kristo ay hindi isang singaw, na basta na lamang lumitaw sa mundong ibabaw, si Maria ay ina ni Kristo, Ngunit bago pa man ito, Malalim na pananalig ang kinailangan ni birheng si maria upang magdalang tao at ipanganak ang isang sanggol na maghahari sa buong sanlibutan.
Sa araw na ito, nais kong bigyang pansin ang kadakilaang ginawa ng Birheng Maria sa pagtanggap niya ng mensahe mula sa anghel ng diyos na bumaba mula sa langit upang ibalita sa kanya ang kanyang paglilihi at pagdadalang-tao. At narito ating pagnilayan ang mga katangiang kanyang tinataglay na sana ating maunawaan at kahit papaano'y ating matularan ang kanyang kabutihang loob.
UNA.
PAGKILALA. "Don't talk to strangers", ito ang madalas nating marinig marahil, mula sa mga nakatatanda sa atin, ang babala patungkol sa pakikipag-usap o pakikipag-ugnay sa kahit na sinong hindi natin kilala. Ngunit sa mas malalim na pagkaunawa, Sino sa atin ang lubos na kilala ang sarili? Ang iyong Pamilya? Ang iyong mga kaibigan at kakilala? Sino sila para sayo at anong papel ang ginagampanan nila sa buhay mo? Mga mahalagang tanong para sa pagkilala. Mahalaga ba ito? OO, mahalagang kilalanin natin una, ang ating sarili, higit sa lahat hindi natin magagawang magpakilala sa iba, kung tayo mismo ay hindi natin kilala ang ating mga sarili. Sa mga pagkakataong, sinusubok tayo ng kapalaran, minsan ay hindi maiwasan ang makasakit ng ibang tao, makagawa ng hindi maganda at masama, at makapagsalita ng hindi maganda, sa parehong paraan, sa di maiiwasang mga pagkakataon, hindi natin mapigil ang ating mga sarili sa paghusga sa mga taong di natin lubos na kilala, gayundin ang paggawa ng mga bagay na hindi natin iniisip kungnito ba ay tama, na minsan ay nagreresulta ng problema, at minsan ay kasalanan, ganyan tayong mga tao. Ngunit sa kabilang banda, ang lahat ng ito'y mga kahinaan lamang, kahinaan ng pagiging tao. Minsan napakahirap para sa atin na kilalanin ang ating mga sariling kahinaan, marahil dahil na rin sa takot, takot na matawag na mahina, takot sa katotohanan, ngunit hindi ba't sa ating pagkilala sa ating mga sariling kakulangan at kahinaan, ay mas lalo din nating nakikilala ang ating mga sarili sa mas malalim na paraan? Huwag tayong matakot na tawaging mahina, dahil laging tandaan, ang tapang ay hindi kailanman nasusukat sa paghawak ng mga patalim o baril o di kaya naman ay ang pagtangging lumuha, ngunit ang tunay na katanpangan ay ang pagkilala sa sari-sarili nating kahinaan, kailanman ang katotohanan ang dapat na mamayani, dahil dito mas lalol nating maiintindihan ang kabuluhan ng ating buhay. Pangalawa, pagkilala sa kahinaan ibang tao, pagkilala sa kanilang kahinaan. Madalas tayong makarinig ng mga pangungutya mapa telebisyon man o reyalidad, lalo na sa mga taong turing ng iba ay di normal, minsan dinadaan natin ito sa biro, ngunit sa dulo nito ay nakakasakit pa rin tayo ng dadmdamin ng ibang tao, maaaring kilala natin sila sa kung anong bagay na meron sila na inaasahan natin na dapat ay wala sila, kagaya ng mga bulag, pipi, bingi o mga lumpo, mga tipikal na kapansanan ng ating mga kapatid, na minsan sa tagong pamamaraan ay madalas makaranas ng diskriminasyon, mula sa mga taong sarado ang isipan sa pagkilala sa kahinaan nila. Gayundin ang mga Ex-convict, mga dating nakulong, o dating adik at kung ano-ano pa, silang mga taong pinagdusahan ang maling buhay na pinili, ngunit para sa iba sila ay parang isang sumpa na hindi mawawala ang mapait na nakaraang kanilang kinasadlakan, kahit pa minsan ay alam natin na tayong lahat ay may karapatang magbago, kapatid, kung di mo sya lubusang kilala, hindi panghuhusga ang daan upang siya ay iyong makilala, buksan natin ang ating isipan at puso upang tanggapin ang kanilang mga kahinaan, at kakulangan, sa parehong paraan ng pagkilala natin sa ating mga sariling kakulangan at kahinaan. Lahat tayo ay espesyal sa ating mga sariling pagkatao at pamamaraan na tanging ang Diyos at ikaw lamang ang nakaaalam, maaaring maitim ka, duling, pilay, bingi, pipi, kulot, o kahit ano pa mang kapintasan ang meron tayo, hindi ito sapat na sukatan ng pagkilala sa ating mga sariling kalakasan at karangalan bilang isang tao, sa kahuli-hulihan ito ay kung paano tayo nabubuhay ng marangal at ayon sa kalooban ng diyos.
PANGALAWA.
PAGTANGGAP. "Ok na ba buhok ko? di ba magulo?" madalas kong tanong sa kahit na sinong makasama ko, mapa kaibigan, kapamilya, kapatid o kapuso man. Minsan pa nga sa mga pagkakataong tila ba tinatakasan ako ng pagasa naitatanong ko sa aking sarili ang mga tanong na hindi ko rin alam kung saan ko huhugutin ang kasagutan, mga tanong na kagaya nito:, kung bakit ako maitim, kung bakit di kami kasing yaman ni Mr. Henry Sy, o di kaya bakit di ako kasing kinis ni Bello o di kaya naman di ako kasing tangkad ni Yao Ming o ng kahit sinong basketbolista, minsan pa nga pagtalagang tinakasan ako ng lahat ng pag-asang meron ako at tinubuan ng pagkainggit, natatanong ko sa sarili ko at sa diyos "Bakit ako ganito, Di ako kagaya niya, mas magaling siya kesa sa akin, diba pwedeng kagaya ko din siya", ngunit sa huli, alam ko namang walang sagot sa mga tanong ko. Inggit, marahil ito ang isa sa ugat kung bakit natin madalas ikumpara ang ating mga sarili sa mga tao na mas higit sa atin sa iba't ibang aspeto, at eto ang bunga ng kawalan natin ng PAGTANGGAP.Pagtanggap sa ating sarili, sa ating pagkatao, sa kasalukayang estado, sa buhay na meron tayo, sa mga tao at bagay na meron ka. Naalala ko yung isa kong kaibigan madalas niyang itanong sa akin kung bakit daw ganito at ganyan ang boyfriend niya, tanong na alam niya at alam ko na hindi ako ang makasasagot, dahil una di ko naman lubos na kilala ang kanyang kasintahan, di hamak na mas kilala niya ang taong ito, at marahil dahilan kaya niya ito minahal, ngunit paulit-ulit ko namang pangaral sa kanya ay ganito, "Mas higit mo siyang kilala kaysa sa akin, minahal mo siya hindi dahil sa kahinaang meron siya kundi dahil siya ang dinidikta ng puso mo na mahalin mo" dagdag ko pa, "Kung sadyang mahal mo siya handa mo siyang tanggapin sino man siya kahapon , ano man siya ngayon at kung magiging sino man siya bukas, dahil sa huli, puso mo at puso niya ang mag-uugnay hindi ang kahinaan mo at kahinaan niya,".
Madalas nating pansinin ang kapintas-pintas sa iba, o di kaya naman ay ang kapuri-puri sa iba, walang masama sa purihin ang kagandahan o kagalingan ng isang tao, basta maging maingat lamang tayo sa ating sarili at iwasang tubuan ng inggit, gayundin sa pagpansin sa kapintasan ng iba, sa kahit na anong anggulo tignan ito'y hindi makatarungan, sino ka, at sino ako, para husgahan ang isang taong di mo kilala ng lubos? Marahil meron siyang kapintasan, ngunit huwag nating kalimutan , meron din tayong mga sariling kapintasan. Ang halaga ng ating mga sarili, halaga ng ating pagkatao, maging ng ating mga kakayanan, at ang halaga at papel na ginagampanan ng ibang tao sa ating buhay ay hindi natin makikita kung hindi natin matututunan ang tanggapin ang ating mga sarili sa kahit na ano pa mang kadahilanan, at tanggapin ang ibang tao bilang parte ng makubuluhang buhay sa mundo.
At PANGHULI.
PAGYAKAP. May kanya-kanya tayong pagtawag sa buhay, sa pagkakaalam ko ay may tatlong klasipikasyon ng bokasyon na maaari nating pagpilian depende sa pagtawag sa atin ng diyos at ito ay ; Ang Buhay may asawa, Buhay binata/dalaga, at huli ay ang bokasyon ng Pagpapari-o ganap na paglilingkod ng buhay at puso para sa diyos. Malaya tayong mamili ng bokasyong ating nais tahakin, depende muli sa pagtawag sa atin. Sa kahit na ano pa mang bokasyon ang ating tahakin, ito ay may kalakip na responsibilidad na dapat nating gampanan ng buong puso, kasabay ng pagyakap sa napiling bokasyon.
Pagyakap, noong una literal kong binigyan ng kahulugan ang salitang ito, ngunit sa aking pagninilay ay mas mas naunawaan ko ang mas malalim nitong kahulugan, ang pagyakap ay higit pa sa pagkilala at pagtanggap, ito ay ang pagsusuko ng buong sarili at pagkatao, isang dakilang bagay na maari ding simbolismo ng pagmamahal. Nakahihiyang aminin, na marami sa atin na kahit ako mismo, gaano man natin sinasabi sa ating sarili kung gaano natin kamahal at gaano kahalaga ang ating pamilya partikular ang ating mama at papa, ay hindi natin sila magawang mayakap, ni masabihan man lamang ng harapan na mahal natin sila. at kahit na para sa akin sila ang buhay ko, at sila ang dahilan ng pagsusumikap ko, hindi ko balak suklian o tumbasan ang kanilang sakripisyo para sa akin, o ginagawa ko ito hindi bilang isang obligasyon na bayaran ang sila, kundi isang dahilan. Dahilan kung bakit ako nabubuhay, dahilan kung bakit ako nasa mundo dahilan din kung bakit nakapagsusulat ako at dahilan kung bakit nangangarap ako ng matayog. Sila ang BUHAY KO. kagaya ng isang mortal na tao, sa patuloy na pagtibok ng puso, mananatiling buhay ang pag-ibig sa bawat puso ng mga taong yumayakap at nagmamahal.
Kailanman, hindi natin magagawang mahalin at yakapin ang mga taong IBA para sa atin, sinong yayakap sa hindi niya naman kakilala? sa parehong paraan sinong makauunawa at tatanggap sa mga taong di natin kilala? At paano mo tatanggapin ang kakulangan ng iba, kung sarili mong kahinaan at kakulangan ay di mo kinikilala? Gaya ni Maria, Nawa'y matutunan natin, ang magpalalim, tumahik saglit at manalangin, at sa oras na masumpungan ang kalooban ng diyos, agad itong kilalanin at tanggapin at maglaon ay yakapin.
Sa mga iba't ibang tanong natin sa buhay na sa una pa lang alam na nating kahit tayo mismo ay hindi natin kayang sagutin, tandaan natin ang bawat bagay sa mundo ay may dahilan, marahil di ka maputi, o di kaya ay hindi ka mayaman, gaya ng pinapangarap mo, pero isipin mo, kung ubod ka na ng yaman, magagawa mo pa kayang mangarap at maging masaya sa oras na makamit mo na ito? Sa bawat bagay na meron o wala tayo, nagkukubli dito ang mas malalim na kabuluhan nito, na tanging diyos lamang ang nakaaalam, na sa huli, ito ay ating mababatid matuto lang tayong pahalagahan ang mga ito maging bagay man ito o tao.
Kaalinsabay ng ating paghahanda sa pagdating niya, Gaya ni Maria, kilalanin natin siya at tanggapin at atin siyang yakapin, na sa reyalidad di natin kayang literal na gawin, ngunit sa pamamagitan ng ating puso gawin natin itong posible, ang PAGKILALA, PAGTANGGAP AT PAGYAKAP sa ating kapwa ay huwag nating kalimutan, bilang ang pagmamahal natin sa kapwa ang simbolismo ng pagtanggap at pagmamahal natin sa diyos.
MAGMAHALAN TAYO. TANGGAPIN ANG BAWAT ISA HABANG KINIKILALA NATIN ANG ATING SARILI, NA ATING PAGYAKAP SA ATING MGA MAHAL SA BUHAY AT IBA, TAYO'Y UNTI-UNTING LUMALAGO AT NAGIGING MAKABULUHAN ANG ATING PAGLALAKBAY DITO SA LUPA.
No comments:
Post a Comment