Total Pageviews

Saturday, December 17, 2011

Simbang Gabi Day II : Korona ng Pasko

Muli kong bibigyang buhay ang pangalawang araw ng aking karanasan at mga natutunan sa simbang gabi day II - Dec. 17, 2011.

Halos matatapos na ang taon, ilang tulog nalang PASKO na, at mula pasko, ilang tulog lang ulit, bagong taon na - 2012 na, (end of the world na nga ba? hihi, joke! ang dark naman ng imagination!). Sadyang kay bilis ng panahon, di natin namamalayan ang paglipas nito, dahil na rin siguro sa abala tayo, abala sa napakaraming bagay dito sa mundo, sa trabaho, eskwela, bahay at pamilya, negosyo at kung ano-ano pa. Maraming bagay at pagkakataon ang minsan ay di natin napapansin at napapahalagahan dahil sa ating kaabalahan, kaya minsan di natin makita-kita ang ating mga hinahanap, mga bagay na may malalim na kahulugan sa ating pagkatao. 

Ngunit kanina sa pangawalang araw ng simbang gabi, muli akong gumising sa parehong oras kahapon, pasado alas dos ng madaling araw para magsimba, halos pareho lang ulit ang eksena, habang naglalakad ako patungo sa simbahan, nagmumuni-muni ako sa kung anong bagong mahalagang bagay ang muli kong matutuklasan at dapat kung maintindihan, ang makabuluhan nitong kahulugan para sa akin. Narating ko na ang simbahan., umupo ako sa gawing kaliwa nito, at agad na lumuhod upang magdasal, hindi ko alam kung ano ang dapat kong dasalin, basta lumuhod ako, habang nakapikit ang aking mga mata sinasabi ko sa sarili ko na, siya na ang bahala sa akin, basta isusuko ko ang aking sarili sa kanya at hahayaan kong ako'y makaugnay niya sa sandaling iyon gamit ang aking nangungusap na puso, na alam ko mas malakas pa ang tinig nito sa sumisigaw at mas malumanay pa ito sa bumubulong, sapat na para maintindihan ng diyos ang nilalaman ng puso ko. Habang ako'y tahimik na nakaluhod at nananalangin, ay napansin ko sa aking harapan ang apat na kandila, malalaking mga kandila, ang tatlo ay kulay lila at ang isa ay kulay rosas, napalilibutan ito ng nagkikislapang mga ilaw, ngunit ang anyo ng apat na kandila ay isang tila KORONA. Muli kong naalala, na ito nga pala ay KORONA NG PASKO, ito ay simbulo ng unti unting paghahanda sa pagsilang ni kristo sa pamamagitan ng unti-unting pagsisindi ng liwanag nito tanda ng liwanag na dala ni kristo sa oras na siya ay isilang. 

Muli, napaisip ako, muli kong inilibot ang aking tingin, ngunit bumabalik lang ulit ako sa korona, sapat nang dahilan ito para sa akin na maunawaan na ito ang nais ng diyos na aking pagnilayan. Sa gitna ng manaka-nakang mga boses na bumubulong sa aking paligid, ay sinubukan kong hanapin ang kahulugan ng koronang ito para sa akin sa sandaling iyon. Hanggang sa maya-maya pa ay may isang babaeng umakyat sa podium upang kantahin ang salmong tugunan na "Maghahari ang katarungan sa kanyang panahon, kapayapaan magpakailan man." at doon ay tila ba may isang mensahe akong nagunita, ang mensahe na nais ng diyos na aking maunawaan at marahil nais niya ring ipaunawa sa iba pa. 

Ang Korona ay simbulo ng pagkaHARI, simbulo ng kapangyarihan at kataas-taasan, ito rin ay tanggulan ng katarungan, at tagapamagitan ng kapayapaan. Sa ebanghelyo, binanggit ng pari ang lahing pinagmulan ni kristo  ito ay may kabuuang labing apat na salin-lahi. Mapapansing ang angkang pinagmulan ni kristo bilang tao ay hindi nagtataglay ng kayamanan o ni ng kapangyarihan, simbolismo ng simpleng pamumuhay, ngunit sa kabilang banda, si kristo na nabuhay, namatay at muling isisilang ay may dugong HARI, ang dugong pinaka maharlika sa lahat ng maharlika, taglay niya ang trono, pati na ang sceptro at nasa ulo niya ang KORONA. Ang kanyang pagkahari ay kinikilala ng buong sanlibutan, Ngunit sa kabila ng lahat ng ito sa kahuli-hulihan siya ay ipinako at nakabayubay sa krus, mas piniling iligtas ang buong sanlibutan, kaysa tamasain ang buhay hari. 

Ang Kayamanan ay kapangyarihan, at ang kapangyarihan ay opurtunidad at pribilehiyo para sa atin, maraming bagay tayong magagawa, anu man ang ating naisin ito'y ating makukuha. Ngunit sa ilan ito rin ay pagkakataon para manlamang. Sa ating lipunan, makahiya na nga lamang yata ang marunong mahiya, dahil may ilan sa atin ay walang habas at lantaran kung manlamang, tila ba wala nang dangal at moral na pinahahalagahan, mapa ordinaryong tao man o may katungkulan, isang malungkot na katotohanan na meron sa ating mundo. Ilan sa mga nakaupong pulitiko ang may malinis na intensiyon sa kaban ng bayan? Ilan sa kanila ang handang gamitin ang pwesto at kapangyarihan upang bong pusong maglingkod sa bayan at hindi sila ang paglingkuran, o sa ordinaryong mamamayan, Ilan sa atin ang nanaising piliin ang simpleng buhay kesa sa kayamanan? O Ilan sa atin ang handang mag-alay ng sarili para sa iba, may katungkulan man o wala, may yaman man o wala, may kapangyarihan man o ordinaryong mamamayan? Naaalala ko ang isang eksena sa dyip na aking nasakyan patungo sa aking paaralan, mas isang ale na nasa gawing unahan ng dyip at may isang ale naman sa kasunod niya ang nagtangkang makisuyo na iabot ang kanyang bayad papunta sa drayber, ngunit tila ba nakikipagmatigasan ang ale, ayaw niyang kuhanin o iabot ang bayad ng isa pang ale bilang pagmamalasakit, kaya naman, kahit kailangan ko pang iunat ng pagkahaba ang aking kamay maabot lang ang nangangawit na kamay ng ale tangan ang kanyang pambayad ay inabot ko ito, at napakamot na lamang sa aking ulo. Nakalulungkot isipin na tayong ordinaryong tao, sa ordinaryong pagkakataon, ay hindi natin matutunan na magmalasakit sa ating kapwa kahit sa simpleng paraan lamang, napakahirap isipin na paano na lamang kung ang ordinaryong ale ay naging mayaman at makapangyarihan? Di kaya mas lalo na siyang naging matapobre na imbes gamitin ang kanyang yaman at kapangyarihan ay mas lalo pa siyang manlamang? Lagi nating tandaan, na ang pagmamalasakit sa kapwa ay hindi sa kanta lamang na: " Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang, walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang", dapat nating maunawaan na kung si KRISTONG HARI na may KORONA, ay kayang ialay ang sarili sa iba, sino tayo para ipagkait ang pagmamalasakit para sa iba? 

Tinuturuan tayo ni hesus na muling isisilang sa nalalapit na pasko, na kaalinsabay ng ating paghahanda, matuto tayong gamitin ang opurtunidad at pribilehiyo na meron tayo. Kung si kristo na hari ng buong sanlibutan, kinikilala bilang hari ng bawat bansa, nagawang magpakumbaba, hubarin ang balabal ng pagkahari, iwanan ang trono at scetro at ang gintong korona, upang ialay ang sarili para sa nakakarami, tayong mga tao, sino tayo para tanggihan ang pagtawag at pagtangis ng ating kapwa na humihingi ng kaunting malasakit at tulong, hindi salapi o pera ang sukatan ng pagmamalasakit, hindi natin kailangang mamatay sa krus gaya ni kristo, ang awa at habag at pagkilos upang ipakita ang malasakit at pagkakawang gawa sa iba ang hinihingi na diyos sa atin upang sa sarili nating pamamaraan, tayo man ay ordinaryong tao o may katungkulan, gamitin ang ating lakas, kakayanan at mga bagay na meron tayo upang maipadama sa iba ang pag-ibig ng ama. 

"Tumanggap ng pagpapala at biyaya, Magbigay ng hindi binibilang, at Magbahagi sa iba nang may pagmamalasakit" - Ialay ang sarili sa munting paraan. 

Masaya tayong maghanda sa kanyang pagdating, Ngunit ating alalahanin ang tunay na dahilan ng ating paghahanda, at ito ay upang tanggapin si kristong isisilang sa ating mga puso.

No comments:

Post a Comment