Total Pageviews

Wednesday, December 21, 2011

SIMBANG GABI DAY VI: MAGALAK

"Magalak na umawit sa panginoon, kayong banal umawit ng himig na bago." LSS sa salmong tugunan.

          Halos dalawang oras lang ang tulog ko at agad akong nagising sa malakas na tunog na nanggagaling sa aking orasan, dahilan upang ako'y magmadaling bumangon sa kabila ng antok at paghila sa akin ng aking sariling katawan pabalik sa aking higaan. Ngunit hindi ako nagpatalo sa aking antok, may galak akong bumangon at naghanda para muling dumalo sa pagdiriwang ng Misa de Gallo. Nagagalak ako dahil, ilang araw na rin ang lumipas at ilang araw na lang ay pasko na, at tapos na rin ang sobrang aga ng paggising, nakatutuwa dahil ika-anim na araw na ng sakrispisyo ng mga debotong kagaya ko. 

Kagaya ng mga naunang umaga, habang ako'y naglalakad, muli akong nagmuni, kung ano muli ang aral at mensahe na nais ng diyos na aking mabatid at mapagnilayan para sa umagang iyon. Baon ko ang samu't saring tanong sa aking isipan, ngunit nagtapos din ako sa ideya na ang diyos ang magbubukas ng aking puso at siya ang magbibigay liwanag sa akin upang ganap kong makita ang kanyang mensahe at kalooban.

Sa umagang ito, sumentro ang pagbasa at ang "gospel" sa pagdalaw ng birheng maria kay elizabeth na kanyang pinsan na nagdadalang tao rin ng mga panahong iyon, at ang pangyayaring ito ay tanda ng kagalakan ng mga pinagpala. Nang panahong iyon, dinalaw ni maria si elizabeth at ang pagbati ng mahal na birhen ay dahilan ng pagsipa ng sanggol sa sinapupunan ni elizabeth, senyales ng kagalakan sa pambihirang pagdalaw ng babaeng pinagpala sa lahat samahan pa ng dinadala nitong sanggol sa kanyang sinapupunan na si Hesus.

Sa maraming pagkakataon, tayo'y nagagalak sa maraming dahilan. Ang kagalakan ay higit pa sa kasiyahang dulot na maraming makamundong bagay, gaya ng pagtama sa lotto, pagbili ng mga mamahaling gamit, pagiging sikat at kilala at marami pang iba na dahilan nang ating kaabalahan, kaya naman minsan kahit ano o sino pa ang dumalaw sa atin di tayo natitinag, ni di tayo nagagalak dahil masyado tayong abala. Naaalala ko ang isang eksena na naabutan ko sa simbahan noong nakaraang araw lamang, magbabakarda ang aking katabi, bago magsimula ang misa tawa na sila ng tawa at gayundin sa ilang mga pagkakataon habang nagmimisa, hindi ko alam kung nagkikilitian ba sila, pero sabi ko sarili ko, "may mali ba sa ginagawa nila?", sa katunayan wala naman, pero dahil nasa loob sila ng simbahan at may misa, siguro Oo may mali. Mga kapatid, hindi masama ang magsaya, magalak, at matuwa, sa katunayan ito ang nais ng diyos para sa atin ang mundo ay maging paraiso at magalak tayo sa mga biyayang ipagkakaloob niya sa atin habang ninanamnam ang mga bulaklak sa hardin ng paraisong ibinigay niya sa atin, ngunit sana lang ay wag nating kalimutan na ang kanyang pagdating bilang manunubos ang maging dahilan ang ating labis na kagalakan.

Sa mga nakaraang araw napagnilayan na natin ang mga paraan upang tayo'y maghanda sa pagdating ni hesus, nariyan ang tumahimik - tanda ng pakikinig sa bulong ng diyos at sigaw ng puso, nariyan ang manalangin - tanda ng pakikipagugnay sa diyos, ang pagpapalalim - tanda ng malalim na pananampalataya, ang pananampalatayang di kayang buwagin ng tukso, kasalanan, pagsubok at kahit anong sigwa pa, ito ang tunay at malalim na pananampalataya, at gayundin ang pagpapatawad - tanda ng pakikiisa natin sa pagkadiyos ni hesus, kung paano siya ay marunong magpatawad, tayo rin magpatawad. Sa parehong paraan atin ding nabatid ang kahalagahan ng pagkilala natin sa ating mga sarili, sa ating mga kahinaan gayundin sa pagkilala natin sa iba, hindi sapat na alam mo kung sino, o alam mo kung anong kaya mo, hindi mo mababatid na may pangangailangan ka kung di mo batid na may kulang sayo, hindi mo mababatid na kailangan mo si kristo, gayundin naman, kung di mo matatanggap ang mga kakulangan mo di mo kayang tanggapin ang buong pagkatao mo, tandaan mo balanse ang buhay ng tao sa kung paanong binabalanse ng mundo ang sariling bigat nito, sa bawat lakas at kakayanan natin, aminin nating may kahinaan tayo at may mga bagay na hindi natin kaya, walang ibang paraan kundi tanggapin ito, panghuli ay pagyakap - tanda ng kinikilala at tinatanggap natin kung sino tayo, niyayakap natin ang buo nating pagkatao, niyayakap natin ang sarili nating kahinaan at kalakasan, gayundin ang pagyakap natin sa ibang tao, sa parehong paraan ng pagkilala natin at pagtanggap sa ating mga sarili. Ngayon naman ay ang tawag ng kagalakan. Sa kabila ng mabigat na tungkuling nakaatas kay maria bilang ina ng diyos, hindi niya ito ginamit upang panghinaan ng loob bagkus, pinili niyang maging mapagpasalamat at magalak dahil sa kabila ng lahat ng ito naroon ang biyaya ng diyos na tanging sa kanya lamang naipagkaloob. 

Tayo? Kaya ba nating magalak sa kabila ng problema? pagsubok at mga makamundong pag-iisip? Kagaya ni maria kaya ba natin na tanggapin ang hamon ng diyos sa atin? MAHIRAP! yan marahil ang pagsusumigaw na sagot natin, tandaan natin marahil OO - mahirap na gawin ito, mahirap tumawa lalo na't sinasabi ng puso mo na malungkot ka, mahirap gawin ang mga bagay na taliwas sa nararamdaman mo, mahirap sabihing hindi mahirap kahit ang totoo ay mahirap talaga, pero sinung magsasabi na ang mahirap ay IMPOSIBLE? Sa totoo lang, humahanga talaga ako sa mga taong kayang itago ang kanilang mga nararamdaman sa iba't ibang pamamaraan, gaya ng mga komedyante, minsan nakatatawang isipin na silang walang alam kundi magpatawa, walang alam kundi libangin ang iba at pakabagin ang tiyan ng marami, sa likod nito ay nagkukubli ang katotohanang hindi natin nakikita, marahil masaya silang nakaharap ngunit sa pagtalikod nila luha ang kanilang karamay, dahil aminin natin ang buhay ay sadyang mapaglaro, maaaring tumatawa ka ngayon, bukas ay hindi na, maaaring ngayon ay nariyan, bukas ay wala na. Ang katotohanang malungkot man, pero dapat nating tanggapin. Ngunit muli nating tandaan, "habang may buhay may pag-asa", sinong mag-aakala na ang patay ay pwedeng mabuhay? ang mahirap pwedeng yumaman? ang masama pwedeng maging mabuti, ang sakim pwedeng maging mapagbigay?, ilan lamang yan sa mga POSIBLE, bakit hindi natin tignan ang positibong anggulo ng buhay. Gaya ng komedyante, hindi masamang tawanan ang mga pinagdadaanan natin sa buhay, bilang natural lang ang mga ito, dahil gaya ng isang makabuluhang pagluluto, hindi magiging masarap ang kalalabasan nito kung ito ay hindi dumaan sa maraming proseso, ika nga matabang ang pagkaing hindi nahaluan ng mga pangpalasa, sa parehong paraan na pinagtitibay tayo at hinuhubog ng mga pagsubok upang sa kahulihulihan ay maging isang mabuting tao tayo mula sa nakaraan, at lumago tayo bilang tao.

Inuulit ko, maging positibo tayo sa kahit na anong paraan at kadahilanan. Magalak tayo! BAKIT? siguro tatanungin mo ko kung anong basehan o dahilan para magalak tayo, simple lang kapatid, habang binabasa mo to, isipin mong sa mga sandaling ito, sapat nang dahilan na nakikita mo ang bawat letra ng sinulat ko, naiintindihan mo ang mensahe nito, at nililiwanagan ka nito ang dating madilim na pagtingin mo sa mundo, at sa kaduluduluhan. Sa oras na to, kasma mo ba ang pamilya mo? ang nanay at tatay mo? kapatid? mahal mo? ang mga taong may mahalagang ginagampanan sa buhay mo, ang mga taong tinuturing mo ring buhay, na tila ba sa kanila umiikot ang mundo mo. kung kasama mo sila o kung nakakasama mo sila o nakikita mo sila at nararamdaman mo ang presensiya nila, PWES! sapat nang dahilan ito upang magalak ka. at sa huli magalak ka dahil hindi tumitigil ang pagtibok ng puso mo.

Nawa gaya ni maria, sa kabila ng kabigatan ng ating mga pasan, matularan natin ang dakilang kabutihan ni maria, matuto tayong pahalagahan ang mga bagay na meron tayo at maging mapagpasalamat at simula doon tayony magagalak dahil maiisip nating kailanman di tayo iniiwan ng diyos, na sigurado ako hinding hindi niya gagawin sa kahit na sino sa tin. 

MAGALAK TAYONG LAHAT DAHIL SA KABILA NG ATING MGA KAKULANGAN, SA KABILA NG ATING MGA KASALANAN, ISAMA PA ANG ATING MGA KABIGATANG DALA SA BUHAY, NARITO PA RIN TAYO'T MINARAPAT NG DIYOS NA TAYO'Y MAKIISA SA MAKABULUHANG PAGHAHANDA AT MASAYANG PAG-AABANG SA KANYANG MULING PAGSILANG. 

3 araw nalang po PASKO na.


No comments:

Post a Comment