Isang hapon habang nagpapaliwanag ang aming guro, samantalang ako ay abala sa pag-iisip ng maraming bagay, mga personal na problema, problema sa eskwela at isama pa dyan ang patayang case study, batid ko ang hirap ng paggawa ng pag-aaral ng isang kaso, nakakapuyat, magastos at kailangang mag-isip ng mabuti. Tatlo kami sa grupo, sabi ko sa sarili ko gagawin ko ang ganang akin at dapat nilang gawin ang ganang kanila, ngunit may mga pagkakataong hindi nila nagagawa ang ganang kanila o minsan naman malayo sa aking inaasahan, dumadating pa sa punto na gusto ko na silang sukuan, tila ba nais kong gawin nilang perpekto ang bawat trabaho, ngunit maya maya sa aking pag-iisip narinig ko ang mga katagang tinuran ng aming guro na sandaling nagpatigil ng aking pag-iisip ng napakaraming bagay, sabi niya “Huwag mong hanapin ang sarili mo sa ibang tao” agad akong napaisip, “napakasarap mabuhay ng Masaya at puno ng positibong enerhiya sa kabila ng mga problema, matutong magpakumbaba at magpasensiya, may mga pagkakataong kaya mo na hindi nila kaya, kaya magpasensiya ka, ngunit palaging maging masaya” dagdag pa niya. Napabuntong hininga ako at saglit na napaisip sa mga talinhagang sinabi ng aming guro, isang reyalisasyon na muling nagpaalala sa akin sa mga bagay na dapat kong gawin, hindi problema, hindi galit at sama ng loob ang batayan ng buhay, ang dahilan ay kaligayahan at ito ang tanging paraan, kasagutan sa mga katanungan. Minsan sabi ko sa sarili ko, dapat palaging maayos at organisado, nakalimutan ko, na tao lang pala ako, normal ang magkamali at natural ang imperpeksiyon. Hiling ko lang sa may kapal naway lagi siyang magpa-alala sa akin ng tama at mali gamit ang mga taong ginagawa niyang instrument sa paghahatid ng kanyang mensahe sa akin.
No comments:
Post a Comment