Sa aking panonood nang telebisyon narinig ko ang mga katagang ito.
Simula nang marinig ko ang mga salitang ito ay talaga namang tumimo sa aking puso, na tila ba kumakatawan sa bawat nilalang na naglalakbay sa mundong ito na may hindi magandang pinagdaanan. Naisip ko tuloy ang mga bilanggo, dating ex-convict, prosti, dating durogista(Drug addict) at iba pang mga may masaklap at madilim na kahapon. Ang bawat tao ay may kanya kanyang kalbaryong pinagdadaanan at pinagdaanan na, ngunit marahil hindi mahalaga kung gaano kadilim at kabigat ang mga ito ang mahalaga ay kung paano mo napagtagumpayan ang mga unos at hamon na ito sa iyong buhay. Hindi tayo nilikha upang maging perpekto, hindi tayo nasa mundo upang sayangin ang bawat minuto ng ating buhay sa pagtangis at pag-usig sa kasiraan ng iba, bagkus narito tayo upang alagaan ang isa’t-isa at matuto tayo sa mga turo ng buhay, mga turong hindi biro, kailangang seryosohin pero hindi kailangang dibdibin.
Sabi nila ang buhay ay parang karera, kailangan mabilis ka para mauna ka, kailangan magaling ka para manalo ka, pero ang tanong, kailangan ba talagang mauna ka at manalo ka? Hindi ba’t ang lahat ng ito’y makamundong batayan lamang ng buhay? Tandaan natin na sa bawat karera , isa lang ang nauuna, isa lang ang nananalo ang iba ay nahuhuli at natatalo, ngunit tandaan din natin na silang natalo ay hindi nangangahulugan na hanggang doon na lamang, may pag-asa habang ang buhay ay patuloy na nagbibigay sa atin ng dahilan upang maging Masaya at mabuhay ng kaiga-igaya. Ang kahapon ay batayan lamang nang ating mga pinagdaanan at hindi na kailangan pang balikan, ang ngayon at kasalukuyan ay isang panahon para sa lahat, sa pagtatama ng mali, sa paggawa ng dapat at sa pag-aayos ng mga nasira, ito ang pagkakataon para sa lahat, sa mga nagdaang kahapon, sa mga nagkamali at may nais baguhin at higit sa lahat ito rin ang perpektong panahon at pagkakataon upang pagplanuhan at simulan ang kinabukasan, dahil ang bukas natin ay huhulmahin natin ngayon at ditto mismo. Ang kinabukasan ay ang panahon na minimithi ng lahat nang naglalakbay sa kasalukuyan, ang lahat ay nagmimithi ng isang maganda at maliwanag na kinabukasan, ngunit para sa akin ang kinabukasan ay panahon din nang tagumpay dahil ito ang panahon na walang sinuman ang makakapagsabi bukod sa ating sarili, ang tagumpay nang kinabukasan ay pinaghihirapan sa kasalukuyan, kaya kung alam mo na naghirap, nagpaggal at nagsakripisyo ka ngayon, tanggapin mo ang masagana at maliwanag mong kinabukasan, ang bunga na iyong pinaghirapan ay iyong tikman. Samakatuwid, ang kahapon mo ay hindi magdidikta sa kinabukasan mo, at hindi mahalaga kung sino ka dati at ano ang iyong pinanggalingan ang mahalaga ay kung anong nais mong maging at san mo gusting makarating.
No comments:
Post a Comment