Total Pageviews

Sunday, July 10, 2011

BINHI


"Nagbunga nang masagana , binhi sa mabuting lupa." ito ang mensahe na nakapaloob sa salmong tugunan sa banal na eukaristiya sa linggong ito. Habang inaawit ito, nararamdaman ko ang mensahe sa bawat salita nito. Mensaheng hindi lamang para sa akin kundi para sa lahat na naniniwala kay kristo.Ang sabi ng pari sa kanyang homiliya, ang "salita ng diyos ay parang tabak, nakakasugat at nakakasakit, ngunit sa dulo nito ay matututo tayo sa oras na maghilom ang sugat na dulot ng tabak"

Sa aking linggo-linggong pagsimba, isa ang linggong ito sa hindi ko makakalimutan, dito ko naramdaman at natuklasan ang mga mensahe ng diyos para sa akin, at ang araw na ito din ang patuloy na nagmumulat sa aking mga mithiin sa buhay, sa araw na ito, maraming bagay ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon upang patuloy na maglakbay. Gaya ng mensahe ng salmo, ang binhi ay ang salita ng diyos, ito ay ipupunla sa ating mga puso at inaasahang ito ay lalago. 

Kaya naman naitanong ko sa aking sarili, namumunga ba ako na parang isang binhi na nalaglag sa isang mataba at masaganang lupa o baka naman sa isang batuhan lamang na hindi magtatagal ay malalanta din dahil hindi masagana ang lupa. Sa ngayon hindi ko masabi kung  ako ay hitik na sa bunga at masaganang lumalago, ngunit alam ko sa patuloy na gabay ni kristo, nakasisiguro ako nasa mabuting lupa ako at hindi magtatagal mamumunga din ako kagaya ng isang puno ng manggang hitik sa bunga.

Ikaw kapatid kailan ka mamumunga at lalago mula sa binhi ni kristo?

Mapagpalang linggo mga kapatid. mabuhay tayo kahit mahirap, magsaya tayo kahit malungkot, magbuhat tayo kahit mabigat, at mamunga tayo gaya ng isang puno ng mangga, sa tulong ni hesus, tayo ay lumago.



No comments:

Post a Comment