Total Pageviews

Sunday, September 18, 2011

PROSTITUSYON ISA NA RING PROPESYON

Artikulo na ginawa ko para sa asignatura ko sa "Masining na pagpapahayag" (ang lalim ng tagalog ko)

Sa hirap ng buhay, sinu ba naman ang hindi maghahangad ng magandang trabaho at magandang sweldo? Sino ang tatanggi sa alok na salapi kapalit ng serbisyo?
Sabi ng marami, tanging malalakas lang ang nabubuhay sa mundo, malalakas ang loob at sikmura, dahil kapag mahina at wala kang diskarte sa buhay wala kang mapapala, wala kang mararating.
Sadya nga yatang sa hirap ng ating buhay tanging edukasyon na lamang ang ating maaasahan pagdating sa paghahangad ng magandang buhay at kinabukasan, edukasyon ang susi sa tagumpay. Ngunit para sa marami, tila ba sa panahon ngayon pribilehiyo na lamang ang makapag-aral at hindi na isang karapatan. Isang masaklap na katotohanan, na pati ang tanging bagay na inaasahan ng maraming mahihirap ay tila ba para na lang sa mayayaman.
Ngunit sa kabila ng kahirapan, nakatutuwang isipin na marami pa rin sa atin ang may malawak at positibong perspektibo pagdating sa masalimuot na pakikibaka para mabuhay, nariyan ang mga “working students” na kailanman ay hindi itinuring na hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng mga pangarap bagkus ang kahirapan ay isang bagay na dapat pagtagumpayan.
Sa kabilang banda, sa hirap ng buhay hindi na lamang mga produkto at legal na serbisyo ang nagiging kalakal sa ating mundo. Maraming nagsipagtapos ng iba’t-ibang kurso at may magagandang trabaho, ngunit may ilan nakapagtapos man ng kolehiyo tila ba mailap sa kanila ang swerte ng magandang trabaho, kaya naman kahit ilegal, kahit masama at kahit mahirap sa sikmura, pinapasok nila ang magulo, masalimuot at mapanlinlang na mundo ng “PROSTITUSYON” o ang pagbebenta ng panandaliang aliw gamit ang sariling katawan at kaluluwa. Malayo na nga ang ating nalakbay, ngunit malayo na rin ang narating ng ating kamalayan at malawak na imahinasyon, kaya naman siguro pati ang sariling katawan ay naisip na ring pagkakitaan. Gayunpaman, saan mang angulo tingnan ang prostitusyon, isa pa rin itong  nakakakilabot at nakakatakot na uri ng “paghahanapbuhay” sa ilan, tama sa paglipas ng panahon ang prostitusyon ay itinuturing na rin ngayon para sa ilan na isang uri ng propesyon, propesyunal ka man o walang pinag-aralan, basta nalinlang ka at naakit ng prostitusyon mahirap nang bumangon. Lalo na’t para sa ilan, turing nila dito’y bagay na pinagkakakitaan ng mabilis na salapi sa mabilis at maikling panahon lamang. Napakahirap isipin, na maraming tao, babae man o lalaki, ang nalilinlang ng prostitusyon, tila ba ito’y nangangako ng isang magandang kinabukasan para sa kanila, kahit na sa kabaligtaran isang madilim na karimlan ang sa kanila’y nag-aantay.
Walang malinaw na pinagmulan at katapusan, ito ang tunay na mukha ng prostitusyon. Para sa ilan, ang masadlak sa ganitong katayuan ay isang kasumpa-sumpang kalagayan, ngunit para naman sa ilan, kung walang ibang mapagkakakitaan, ang prostitusyon ay maaari ng pagdiskitahan, hindi man kayanin ng isipan na isipin ngunit kakayaning sikmurain, mabuhay lang.
Sinu nga ba ang dapat sisihin sa pag-usbong ng ganitong gawain, ang kahirapan ba na sanhi ng lahat ng kaguluhan sa mundo? O ang sarili?. Lagi nating tatandaan, lahat tayo ay may kanya-kanyang kalbaryo, mahirap man o mayaman, hindi ligtas sa kabiguan, ngunit hindi mahalaga kung gaano kahirap ang ating pinagdaraanan, bagkus ay kung paano natin mapagtatagumpayan ang hamon ng buhay. Minsan lang tayong mabubuhay sa mundong ito, gawin natin itong paraiso sa kabila ng gulo.