Bago pa man ang aking pagtatao sa dambana, nakahihiya mang aminin ngunit ilang taon na din ang nakalilipas nang huli akong makarating sa Dambana / Bahay ng pamilya Rizal. Noong mga panahong iyon na kung saan limitado lamang ang aking mga nalalaman tungkol sa buhay at maging sa kanyang mga gawa.
Ngunit sa aking pagtatao sa makasaysayang Dambana, doon ay napakaraming bagay at katotohanan ang aking natuklasan tungkol sa buhay at mga bagay sa buhay ni Dr. Jose Rizal. At isa na rito ang kamusmusan ng pambansang bayani. Kilala si Dr. Jose Rizal, bilang Doktor, manunulat/nobelista, alagad ng sining, henyo, at napakarami pang titulo at karangalan ang maaaring iugnay sa kanyang pagkatao. Ngunit bago pa man siya itanghal bilang bayani ng lahing Pilipino, saksi na ang makaysayang Dambana ngayon na dati ay isa lamang simpleng bahay na bato na tahanan ng mga Rizal/Mercado. Sa kabila ng tanyag na pagkakakilala kay Dr. Rizal o mas kilala sa tawag na “pepe” noong siya ay musmos pa lamang, sa dambana nagsimula ang kanyang payak na pamumuhay bilang isang BATA. Sa dambana din siya nagsimulang mangarap, sa parehong lugar doon niya rin natagpuan ang pagmamahal na hindi niya kailanman natagpuan sa kahit na anong sulok pa man ng mundo na kanyang napuntahan at ito ay ang walang kahulilip at walang kapantay na pagpapahalaga, pag-aalaga at pagmamahal ng kanyang pamilya partikular ang kanyang mga magulang na sina Don Francisco at Dona Teodora.
Si pepe bilang isang bata ay namuhay ng payak sa kabila ng katotohanang sila ay may angking karangyaan sa buhay, kilala sila bilang mga elitista pero hindi ito naging dahilan upang magbuhay mayaman siya bagkus pinili niya pa rin ang maging simple ang maging kaisa ng marami. Maraming bagay sa loob ng dambana ang magpapaalala at magpapakita ng simbolismo ng simpleng pamumuhay ni pepe. Naroon ang mga aklat, mga larawang biswal, likhang sining at iba pa. Maaaring simple na lamang kung ituturing ang mga bagay na iyon sa ngayon pero sa panahon ni pepe, ang mga ito ay may mas malalim at makabuluhang kahulugan at pakinabang sa kahit na sinong tao na gagamit nito para sa paglago ng sarili. Nakaagaw pansin din sa akin ang kanyang “self-portrait” pagpinta ng sarili sa harap ng salamin, hindi ko maisip kung paano niya nagawa, pero labis akong humahanga sa kanyang angking galing sa pagguhit, pero higit sa lahat alam ko na may mas malalim pang dahilan ang kanyang larawan na nakaharap sa salamin at isa sa aking konklusyon ay maaaring isa itong simbolismo ng pagsusuri ng kanyang sarili, ang pagtingin sa sarili bago tignan o punahin ang ibang tao.
Sa aking pagtatao sa dambana, iba’t ibang klase rin ng tao o bisita ang aking nakasalamuha. May mga estudyante, guro, bata, matanda, balik-bayan at mga residenteng kalapit siyudad lamang. Nakatutuwang isipin na kahit na malayo-layo na rin ang narating ng ating henerasyon ay may mga Pilipino pa rin na pinipiling balikan at sulyapan ang nakaraan hindi upang sariwain ang kapighatian kundi upang magbalik tanaw sa magagandang bagay na naganap isang siglo na ang nakakaraan. Naaalala ko nung isang beses akong tumao sa dambana, isang balik bayan ang aking nagabayan at nabahaginan ng ilang impormasyon tungkol sa buhay ni pepe, ayon sa kanya 50 taon na daw siyang hindi nakakauwi ng pilipinas at minabuti naman niya na sa kanyang pagbabalik ay muli niyang sariwain ang mga mahahalagang bagay sa buhay ng lahing Pilipino at ito nga ay ang pagbisita sa Bahay ng mga Rizal, na ayon sa kanya kilalang kilala daw si Dr. Jose Rizal sa ibang bansa. At Masaya daw siya na minsan sa kasaysayan ng mundo ay napabilang siya sa lahing bayani, sa lahing Pilipino na may dugong marunong magmahal sa sariling kasaysayan at pagkakakilanlan.
Ngunit ang pinaka nakapukaw pansin sa akin ay ang mismong silid kung saan ipinanganak si pepe. Hunyo 19, 1861, isang ordinaryong araw para sa marami, ngunit isang makasaysayang araw/petsa para sa pamilya Rizal/Mercado na kinalaunan ay isa naring makasaysayang araw para sa lahing Pilipino. Ito ang araw kung kailan ipinanganak ang batang si pepe, ang simpleng sanggol na nakatakdang maging simbolismo ng kalayaan ng kanyang lahing kinabibilangan. Sinong mag-aakala na ang sanggol na ito ay magiging isang bayani, isang bayaning hindi galit o gulok ang ginamit kundi ang natatanging angking talino sa pagsulat. Saksi ang apat na sulok ng silid ng bahay na bato ng pamilya Rizal sa pagsilang ng isang pambihirang bayani ng kasaysayan, ngunit sa likod nito ay ang simpleng tao na hindi kailanman man naghangad na gumawa ng pangalan sa libro ng kasaysayan.
Sampung oras ng pagtatao, masyadong maikling panahon ngunit katumbas nito ang makabuluhang karanasan at mga kaalaman na babaunin ko saan mang dako ng mundo. Hindi ko man magamit ang mga ito sa propesyon ko, ang mahalaga minsan ay nakilala ko ang simpleng tao sa likod ng dambuhalang pangalang DR. JOSE RIZAL at minsang kong nabalikan ang makabuluhang kasaysayan ng liping aking pinagmulan.
Sana ang ating henerasyon gaano man kalayo, saan man tayo makarating, atin pa ring alalahanin at gunitain ang kahalagahan ng kabayanihan ni pepe. At sana sa sarili nating mga paraan maging mga modernong bayani nawa tayo hindi man mapasulat sa libro ng kasaysayan, ang mahalaga minsan tayong naging isang Pilipino na may dugong bayani. Nawa sa mga susunod at susunod pang mga henerasyon at saling-lahi, ay patuloy nilang balikan at sulyapan ang kasaysayan gaano man ito kalayo sa kanilang panahon.